MENU
×

Warning

JUser: :_load: Unable to load user with ID: 959

Published on 27 February, 2014 - 09:48

Masayang ibinalita kahapon ni Kalihim Rosalinda Dimapilis-Baldoz ang pagkakalathala ngisang ahensya ng DOLE, Bureau of Working Conditions, (BWC), ng pinakabago nitong handbook ukol sa mga benepisyo ng mga manggagawa ayon sa batas. “Ang handbook ay nasa wikang Ingles at Tagalog. Layunin nito na gabayan ang mga may-ari ng mga negosyo at mga manggagawa sa pag-unawa at boluntaryong pagtupad sa mga benepisyong itinatadhana ng batas,” ang sabi ng Kalihim.

Inilathala at ipinalabas ng BWC ang 2014 edisyon ng “Handbook sa Mga Benepisyo ng mga Manggagawa ayon sa Batas” bilang prayoridad noong Enero. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na may Tagalog version ang nasabing handbook upang magamit ng mga manggagawang hindi gumagamit ng wikang Ingles.

Ang handbook na ito ay isang mahalagang ambag ng DOLE sa pagpapakalat at pagbabahagi ng sapat na impormasyon sa publiko ukol sa mga batas at alituntuning naipasa para sa kabutihan ng mga manggagawang Pilipino. Kabilang sa layuning ito ay ang pagtataguyod ng DOLE sa pagsunod sa mga nasabing alituntunin para sa mas pinabuting kondisyon sa trabaho, at paglikha ng kulturta ng boluntaryong pagtupad sa batas ng mga may-ari at mga manggagawa.

Ang handbook ay unang inilathala dalawang dekada na ang nakakaraan, sa wikang Ingles. Mula noon, ang handbook ay nanatili at nagsilbing epektibo at batayang saligan sa patuloy na pagsulong ng Pilipinas sa pagpapatupad ng mga batas at regulasyon sa paghahanapbuhay.

Ang pinakabagong handbook ay naglalaman ng 63 pahina at tumutukoy sa 19 na benepisyo para sa manggagawa—minimum wage, holiday pay, premium pay, overtime pay, night shift differential, service charges, service incentive leave, maternity leave, paternity leave, parental leave for solo parents, leave for victims of violence against women and their children, special leave for women, 13th month pay, separation pay, retirement pay, ECC benefits, PhilHealth benefits, social security benefits, at PagIBIG benefits.

Ang handbook ay nailathala upang magsilbing gabay at makapagbigay ng dagdag-kaalaman tungkol sa mga umiiral na batas at regulasyon sa larangan ng paggawa.

Maaaring i-download ang Handbook mula sa BWC website na www.bwc.dole.gov.ph.

“Naglalaman din ito ng updated na directory ng mga DOLE regional offices, ng DOLE-NCR field offices, at ng BWC upang mas lalong makatulong para sa mga manggagawa at may-ari,” dagdag pa ni Baldoz.

Napapaloob na rin sa handbook ang naaangkop na minimum wage rates at mga benepisyo para sa mga kasambahay, alinsunod sa Republic Act No. 10361 o Batas Kasambahay.

Hinikayat ni Baldoz ang mga manggagawa at may-ari na gamitin ang nasabing handbook, dahil aniya, ang wastong pagsunod sa mga benepisyo na itinakda ng batas ay nanghihikayat sa mas produktibo at maabilidad na mga manggagawa.

Inatasan din ni Baldoz ang BWC upang makipag-tulungan sa Labor Communications Office sa pamamahagi ng handbook sa publiko.